No Gay, No Employment Policy


Tunay na naging mainit sa nagdaang buwan ang usapin tungkol sa deployment ng mga Filipinos na nasa kuwadra ng mga homosexuals pagkatapos lumabas ang recruitment directive na pinadala ng Royal Embassy of Saudi Arabia sa mga employment recruiting agencies sa Manila. At kasabay nito, naging mainit din ang naging mga paalala at tagubilin ng mga ahensya ng gobyerno at sanggunian ng Pilipinas tulad na lamang ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mainit na isyung ito.

"Aminin"

Sa nakaraang personal na pagbisita ng manunulat sa tanggapan ni G. Mario Tuscan N. Nas, Chief ng Balik Manggagawa Processing Division (Department of Labor & Employment), napag-alaman na matindi ang ginagawa nilang mga paalala sa mga kababayang bading lalu na yung mga bagito na tunay na mag-ingat at igalang ang batas ng Kaharian sa isyu ng kabaklaan. Ayon kay G. Nas, walang tigil ang kanilang mga pagpapa-alala kahit sa mga datihang OFWs na kabilang sa third sex na lubusang sundin ang mga kalakaran ng Kaharian para hindi maharap sa mga problemang moral at malagay sa balag ng alanganin. At kung hindi man makakasunod sa batas na umiiiral ay mabuting huwag nang dumiretso pa sa pagpunta para magtrabaho sa Kaharian ng Saudi Arabia.

Sa ilang ginawang pagbisita sa mga recruiting agencies na tumangging magpalathala ng pangalan, napag-alaman na tunay na sumusunod sila sa “no gay, no employment policy” dahil ayaw nilang magkaproblema sa kanilang relasyon sa Kaharian at maiwasan ang pagbulusok ng kanilang revenue, kasabay din sa kanilang pagprotekta sa kapakanan ng mga Pinoy na kasama sa third sex lalu’t alam nila ang kasalukuyang batas. Isa sa pinagpapasalamat ng mga naturang recruiting agencies ay ang hindi pagkakaroon ng “clampdown” sa mga datihang OFW gays dahil kung mangyayari ito, tunay ding mabubusisi kung saan nga bang recruiting agencies sila umalis papuntang Kaharian.

Sa umiinit na kaganapan, ang tunay na nasapol at tinatamaan ng naturang recruitment directive ay ang mga homosexuals na lantaran ang pagiging bading. Isa sa hindi maitatatwang katotohanan ay tunay namang napakahirap matukoy kung sino nga ba ang bading (at hindi) sa gitna ng mga Pinoy gays bunsod sa bagong kalakaran (gay trend) sa makabagong henerasyon nang mga bading kung saan mas gusto nilang mgmukhang mga tunay na lalaki dahil ayon sa kanila ito ngayon ang uso.

Samantala, ayon naman sa ilang grupo ng mga bading na nagpahayag nang kanilang punto de vista, kanilang sinabi na hindi naman lahat talaga ng bading na Pinoy ay mga “sakit ng ulo” ng Kaharian lalu na’t marami sa kanilang bilang ay naghahangad lamang na makapagtrabaho sa kanilang mga piniling propesyon at kumita ng pera para matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga naiwang pamilya. At para naman sa kapuwa nila bading na lantaran ang pagpapakita ng kanilang pagkatao sa napaka-konserbatibong lipunan ng Kaharian, ang tangi nilang hiling ay huwag lamang sariling kapakanan, ‘kalandian’ at kagustuhahan ang isipin bagkus ang kapakanan, reputasyon at magandang hangarin ng lubos na nakakarami na maaaring tuluyang maapektuhan. – (J. Nava Cruz, an OFW, is a writer-documentarist. E-mail at bashamel007@yahoo.com)

Riyadh, Saudi Arabia, Sun 4th July 2010, J. Nava Cruz Saudi Arabia